Isa itong ideya para sa talambuhay ng isang tinapa na nagngangalang Tomas…
From Tomas Leonor ‘04 Kalipunan Piece “Ako ay may lobo”
On Show at the Corredor Gallery, UP College of Fine Arts
Pinanganak ako sa panahon ng tag-ulan, kasalukuyang naghihingalo ang mga palay at uhay. Tulad ng aking amang nasa lawak ng karagatan, lumutang ako sa inang sinapupunan, madilim at di ko alam kung anu ang nagaganap.Sumungaw ang liwanag at ang mga uha ay umalingaw-ngaw sa buong sangkatauhan.
Di ko nakilala ang aking ama, tila isa siyang mito sa sanga-sangang istorya na aking naririnig sa aking ina at mga kapatid, tulad rin ng mga kwentong bayan, at mga tsismis na naririrnig sa isang barberya. Basta ang alam ko, mayroon akong ama, siyang nagpunla ng semilya sa aking ina. Una kaming nagkita sa mga larawan niya sa lumang photo-album ng aking ina, masinop na inayos at iniingatang mabuti ng aking ina ang libro na yaon, balat pa ng baka ang pabalat ng mabigat na album na y’on na bibihirang ilabas mula sa kabinet na kasingtanda ‘ata ni Mahoma.
Nakita ko rito ang mga bansang nilakbay at dinaungan ng aking ama, masaya siya sa mga litrato, minsan ay naiisip ko kung makulit din kaya siyang tulad ko. Malalim kaya siyang indibidwal o mababaw? May mga litrato din siya na kasama ang mga nakakatanda kong ate, di pala siya ganung kalakihan, maliit din siyang lalake tulad ko, mahilig sa maluluwang na bell-bottom at polo.
Nasa photo-album din na ‘yon ang mga larawan naming magkakapatid noong burol niya, may nag-iisa kaming family picture na nakahiga na siya sa kabaong, di ko magawang maluha pag nakikita ko itong larawang ito dahil di ko naman talaga nakilala ang aking ama. Isa siyang mito at mananatiling ganoon sa pang-habambuhay. Namatay ang aking ama sa laot, eksaktong araw ng aking kapanganakan. Bihira siyang mapag-usapan sa bahay, tuwing araw ng patay at kaarawan ko lang.
Laging nagtitirik ng kandila ang aking ina sa birthday cake, pero di rin niya nakakalimutang mag-alay ng kandila sa altar ng aking ama. Minsan nga ay nalilito na ko kung ang araw na ‘yon ng agosto ay araw ng aking kaarawan o araw ng kanyang kamatayan. Lumaki akong tinatanung ito sa sarili ko, minsan ay sinisisi ko na rin ang mundo, ang aking ina at ang aking sarili.
Hindi ko pa naranasang magdiwang ng aking kaarawan na hindi ginugunita ang kanyang kamatayan, siguro isa rin ‘tong dahilan ng aking mabilis na pagtanda. Para sa ‘kin ang kaarawan ay isang selebrasyon at pagluluksa.
Siguro kaloob nga ng diyos ang nangyari, pero bakit ang diyos may amang kinagisnan?
Ako wala.
Tags: Blog, Blogroll, Father, Featured Brothers, Fiction, Frat Literature, Kalipunan, Kalso, Resident, Tomas Leonor
You can comment below, or link to this permanent URL from your own site.